Kabataang Mula sa Kto12, Tagapagdala ng Kaunlaran ng Bansang Pilipinas (Talumpati sa Pagtatapos 2016)

Sa pinagpipitagan naming tagamasid pampurok, sa minamahal naming punongguro, sa mga katangi-tanging mga guro ng paaralan, sa ipinagmamalaki naming panauhing pandangal, aming mga magulang, mga kapuwa ko nagsipagtapos, magandang umaga po sa ating lahat!

Isang mabunying pagpupugay!

Ang pagtatapos ngayong taon ay napakamakasaysayan. Ngayong taon ay ang kaunaunahang pagtatapos sa elementarya sa ilalim ng Kto12 Curriculum. Mapalad ako dahil isa ako sa mga mangungunang mag-aaral na natuto sa pamamagitan ng magigiting na mga guro  gamit ang bagong kurikulum. Mapalad ako dahil isa ako sa mga nabigyan ng karangalan na maglahad ng mahalagang pananalita. Mapalad ako dahil isa ako sa inaasahan ng ating lipunan na magtatawid pa sa ating mahal na bansa patungo sa ibayo pa nitong kaunlaran. Mapalad tayong lahat mga kapwa ko nagsipagtapos dahil nalampasan na natin ang unang yugto ng pag aaral, ng pagtuklas ng kaalaman patungo sa ating mga pangarap na iaalay natin sa ating pamilya at mga mahal sa buhay.

Kabataang Mula sa Kto12, Tagapagdala ng Kaunlaran ng Bansang Pilipinas. Ang paksa ng ating pagtatapos ngayong taon. Masasabi kong ang temang ito ay isang hamon at isang pangako.
Mga batang nagsipagtapos noong nakaraang taon Marso 2015 mula sa Paaralang Elementarya ng Pooc, sa Silang, Cavite. Ang aking ikalawang paaralang pinamunuan. 

HAMON

Ito ay isang hamon sa atin ng ating paaralan at ng lipunan, mga kapwa ko nagsipagtapos.  Ngayong nakamit na natin ang katibayan ng pagtatapos sa elementarya ay dapat pa nating paigtingin at pag-ibayuhin ang mga mabubuting asal at mahahalagang karunungan na ating natutunan at nagamit na upang makamit natin ang lahat ng katagumpayang  ito.

Una, patuloy pa tayong magtiyaga at magsikhay ng kaalaman at kaparaanan upang ang mga maliliit pang mga suliranin at balakid na gigitna sa ating landas tungo sa mga pangarap ay ating magapi at malampasan at tayo ay magtagumpay.  Sabi nga daanan lang natin ang mga problema ng buhay, huwag nating tambayan. Ang taong may tiyaga ay may nilaga, ika nga. Tularan natin ang ating ipinagmamalaking Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach. Ilang ulit ba siyang nabigo, pinagtawanan at nilait? Ngunit hindi siya pinanghinaan ng loob. Patuloy siyang nangarap at nagtiyaga hanggang nakamit niya ang inaasam na pinakamataas na korona. Alam kong lahat tayo ay may nakalaang korona ng katagumpayan kung tayo ay may sipag at tiyaga.

Ikalawa mga kapwa ko nagsipagtapos, patuloy pa tayong magtiis. Alam nating hindi kayang ibigay ng ating mga magulang ang lahat na ating mga nais at pangangailangang materyal upang tayo ay makasabay sa daloy ng makabagong lipunan. Hindi lahat sa atin ay nagmula sa mga angkan ng mayayaman kayat nasa pagtitiis natin ang tatag upang tayo ay huwag bumitaw sa ating minimithing maaliwalas na buhay. Sabi nga ni Marie Curie, isang kemikong Pranses, “  Ang buhay ay hindi madali lamang sa kahit sino sa atin. Ngunit ano naman? Kailangan lang natin ang pagtitiis at higit sa lahat tiwala sa ating sarili. Kailangan nating magtiwala na tayo ay may angking galing sa kahit anong bagay at iyon ang dapat nating pagtuunan ng pansin.”

Ikatlo, magkaroon tayo ng prinsipyo o paninindigan sa buhay na alam nating makakatulong hindi lamang sa ating sarili kundi para sa ating kapwa at sa ating bansa. Tulad na lamang ng pagiging magalang sa nakatatanda at sa karapatan ng kapwa, pagiging malinis sa kapaligiran at sa iba pang lugar, pagsunod sa mga alituntunin at batas o kaya ay pagiging mapagpahalaga sa ating mga kultura.   Nasa ating mga sarili lamang ang ikalulutas ng ilang suliranin na patuloy nating ibinibintang sa ating pamahalaan. Hindi na tayo mga paslit na patuloy na aasa ng tulong sa ating mga magulang, sa kapwa at sa pamahalaan. Nasa sa atin na magsisimula ang mga pagbabago ng lipunan na nais nating makamit. Nasa sa ating nagsipagtapos ngayong taon uusbong ang bagong pag-asa ng pagbabago para sa ating bansa.

PANGAKO

Ang paksa ng pagtatapos ay isa  ring pangako. Hindi ang ating mga guro at mga halal na lingkod bayan ang mangangako, kundi tayo. Tayo ang dapat mangako na tayong unang pangkat ng nagsipagtapos mula sa Kto12  ay magdadala ng kaunlaran sa ating bansa.  Tayo ang dapat mangako sa  ating sintang paaralan na pagkatapos pa ng susunod na anim o sampu o higit pang mga taon, katulad na lamang ng ating panauhing pandangal, tayo ay babalik na muli sa lugar na ito na isa ng matagumpay na tao sa larangang ating pinili.

Alam nating ito ay mahirap at tunay na mapanghamon para sa ating murang edad. Sumusukat ng lakas at nakapanlulupaypay kung sa bawat paghinga ay alam nating patuloy na nahihirapan ang ating mga magulang sa pagsusumikap maibigay lamang ang mga pangangailangan ng ating pamilya. Ngunit hindi dapat magkaganoon na lamang. Una, patuloy tayong magsakripisyo at gumawa kasabay ng mga dasal na kaya nating magtagumpay at magbigay karangalan sa ating pamilya at bayan. Ang bawat matagumpay na tao sa ating bayan ay may mga kuwento ng kahirapang napagdaanan. Kung nalampasan nila ang lahat ng iyon, tayo ay gayundin. Sabi ulit ni St. Mother Teresa noong siya ay kapanayamin: "Huwag kang maghanap na makagawa ka ng napakalaking bagay, gumawa ka lamang ng mga maliliit na bagay na kaya mo ngunit lagyan mo ng marubdob na pagmamahal.”

Ikalawa, tumulong tayo. Tulungan natin ang ating mga sarili upang sa gayon ay madali tayong makatulong din sa ating kapwa at sa ating komunidad. Tumulong tayo hindi lang sa mga kakilala at kaibigan kundi sa mga walang-wala, sa mga inaapi at sa mga inalisan ng karapatan. Tumulong tayo sa mga hayop, sa mga halaman upang mapanatili ang kalikasan nito. Bahagi tayo ng ating mundong ginagalawan kayat marapat lamang na magtulungan tayong lahat. Ang bansang maunlad ay may mamamayang may malasakit at nagdadamayan.

Ikatlo, ipangako rin nating tayo ay patuloy na magpapasalamat. Magpasalamat tayo sa pamamagitan ng pananalita at magpasalamat tayo sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan. Pasalamatan natin ang ating paaralan sa pagkupkop niya sa atin habang tayo ay nag-aaral. Salamat sa ating punong guro at mga guro na nagsilbing pangalawang magulang nating lahat. Salamat sa lahat ng kaalaman, kabutihan at kagandahang itinuro ninyo sa amin. Salamat sa mga tao sa ating lipunan na patuloy na nagsisilbing pag-asa upang tayo ay magkaroon ng pagpapahalaga sa ating sarili at sa kapuwa. Bigyan natin sila ng masigabong palakpakan.


Maraming salamat sa ating nanay at tatay at sa mga taong nagbigay at patuloy pang nagbibigay ng kalinga, suporta at pagmamahal. Hindi matutumbasan ng materyal na bagay ang lahat na ipinagkaloob ninyo. Hindi kailanman makakakalimutan ang pagaaruga, pagtatanggol  at pag-alalay na kailanman ay hindi magmamaliw. Sa inyo namin iniaalay ang lahat ng ito. Patuloy pa kaming magpupunyagi at magsisikap upang makatulong naman kami sa inyong pagtanda. Tumayo tayong lahat mga kapuwa ko magsipagtapos, humarap tayo sa direksiyon kung nasaan ang ating mga magulang at sabay sabay nating banggitin: MARAMING, MARAMING SALAMAT PO SA PAGMAMAHAL, PAGSUSUMIKAP, PAGDARASAL AT PAGHIHIRAP NA INIAALAY UPANG AKO AY MAKAPAG-ARAL.

Sabay sabay natin silang palakpakan!

Higit sa lahat, pasalamatan din natin ang ating Panginoon na siyang maylikha at may kapasyahan sa lahat ng ito. Salamat po Panginoon sa aking mga magulang, sa aking mga naging guro at punong guro. Salamat din po sa lahat ng mga taong ginamit Mo upang maging mas maayos at makabuluhan ang aming pag-aaral. Maraming salamat din po sa mga naging kamag-aral na naging kasama sa mga karunungan, kasiyahan, kantiyawan, kaligayahan, kalikutan, kapilyuhan, katagumpayan at minsan ay kalungkutan din. Salamat po sa lahat-lahat.

Tunay na makasaysayan ang pagtatapos naming ito. Kaybilis ng panahon. Masarap balikan ang mga magagandang karanasang napagdaanan at masarap ding pangarapin ang magagandang bagay sa ating hinaharap. Mga kapwa ko nagsipagtapos parehas nating gawin ang mga bagay na ito bilang inspirasyon upang tayo’y huwag makalimot sa mga hamon at pangakong binangit ko. Sa ating pamamaalam sa ating mga naging guro at mga naging kamag-aral at sa paaralang ito, ihanda pa natin ang ating mga sarili. Ihanda natin ang ating mga sarili sa mas makulay at mas masalimuot na mundo ng pag-aaral. Handa na ba kayo?

Maligayang pagtatapos sa ating lahat! Magandang umaga pong muli!





Comments

Popular posts from this blog

Sample Program for a Debut Party: Featuring Cyrill Flores 18th Birthday

MADES' Ang Grinfilds, champion best school paper in CALABARZON

Speech of a New Principal