South Korea sa Aking Gunita

Isa sa maituturing kong malaking biyaya sa akin ng Poong Maykapal ngayong taon ang pagkakataong makarating sa bansang tinaguriang “Ang Lupain ng Payapang Umaga”. Ang South Korea

Kulang ang mga pang-uring kataga upang ilahad ko ang aking naramdaman nang ako ay mapili bilang isa sa 20 mga delegadong guro mula sa lalawigan ng Cavite upang dumalo sa ikalimang pangkat ng mga gurong Kabitenyo para sa Information and Communication Technology (ICT) Training for Philippine Teachers.

Dumating kaming lahat na puno ng samu’t saring agam-agam sa kung ano ang mangyayari sa sampung araw naming paghimpil upang magsanay ukol sa larangan ng kompyuter sa probinsiya ng Jeollabuk-Do na nasa hilagang bahagi ng South Korea. Dito kami tumigil sa Gunji House ng Chonbuk National Unversity (CNU).

Pagkatuto

Kung lagi kong paghahambingin ang bansang Korea sa bansang Pilipinas sa larangan ng ekonomiya, imprastraktura at kung anu-ano pa, awa at panliliit ang aking nararamdaman. Nakakaawa ang aking bansa dahil ilang milya na kasi kung iisipin ang agwat ng bansang ito sa anumang larangan. Naisip ko, kaya pala sila matalik na kaibigan ng bansang Amerika. Ang South Korea ang kauna-unahang bansa sa Asya na dinalaw ng kanilang bagong halal na Pangulo.

Itinanim ko sa aking isip na pagsasanay ang aming sadya sa bansang ito. At totoo naman, unang araw pa lamang ay nagsimula na kaming magsanay sa kanila Computing and Information Center na bahagi pa rin ng napakalawak na CNU. Dito namin naranasan ang maglakad sa umaga, sa tanghali at hapon. Mahilig maglakad ng napakahahabang distansiya ng mga Koeano.

Mababait ang mga gurong gumabay sa amin upang matuto ng kanilang office ware computer program na ang Korea talaga ang gumawa- ang Namo. Binusog nila kami ng mga kaalamang hindi lamang tungkol sa kompyuter kundi maging tungkol sa kanilang pagkain, kultura at musika.

Paghanga

Katangi-tangi ang mga bagay na tumambad sa aming mga mata. Malalawak na mga kalsada na talaga namang matagal nang iniakma sa kanilang pinapangarap na kaunlaran. Malinis na kapaligiran na bunga ng kanilang masidhing disiplina sa mga mamamayan. Maunlad na pamayanan kahit sa mga malalayong pribonsiya tulad ng aming kinatitigilan. At higit sa lahat ang maberdeng kapaligiran na hindi pinababayaan ng kanilang pamahalaan sa kabila ng kanilang tinatamasang kaunlaran.

Ano nga ba ang kulang sa aking bayan at hindi tulad ng aking nakikita sa lugar na ito ? Bulong ko na lamang sa aking sarili habang humahanga sa mga bagay na mula sa pagsusumikap, pagkakaisa at pagtutulungan ng mga mamamayan nito.

















Maganda ang bansang Korea. Iduduyan ka sa mga pangarap habang pinagmamasdan mo ang kabuuan niya. Nakakagaan ng pakiramdam ang kariktan ng mga lugar na aming pinuntahan sa aming araw ng mga lakbay-aral tulad ng Korean Folk Village, Gwacheon National Science Museum, Yeonjong Grand Bridge Exhibition, SamsungvElectronics Museum, Jeoju Paper Museum at sa Jeoju National Museum.











Pagkain

Kimchi, bolgogi, kimbap, at namul, ilan lamang sa mga Korean cuisine na bumusog sa amin. Napakamaalalahanin ng mga Koreanong sa amin ay nag-asikaso. Puno ng tawanan at nagsasalimbayang liwanag mula sa flash ng camera ang bawat almusal, meryenda, tanghalian at hapunan.

Sa sampung araw naming pagtigil doon ay nasanay na ang aming panlasa at nagugustuhan na namin ang mga maaanghang na pagkaing idinudulot sa amin. Ang lasa ng mga pagkain ay kasing anghang ng pagtanggap nila sa amin. Espesyal kami para sa kanila ayon sa bilang na pito o labindalawang side-dishes ng pagkain.

Hindi mahalaga sa amin kung gusto man namin ang mga pagkain. Ang mas mahalaga ay ang hindi mababayarang pagtanggap nila na may ngiti, pag-aalala at kababaang loob kahit alam naming mas pinagpala sila sa amin sa larangan ng estado ng buhay.








Pagkakaibigan

Kahit may hadlang upang kami at ang mga Koreano naming kasama ay magkaunawaan dahil hindi sapat ang aming kaalaman upang ang kanilang wika ay aming mapagtanto at sila rin, upang ang aming kaalaman sa Ingles ay maintindihan ay sapat na ang mga ngiti at konting hagikhikan upang ang pagkakaibigan namin ay mabuo.

Hindi rin hadlang ang pagkakaiba ng lahi at kultura upang ang magkabilang pinto ay buksan at ang pinagisang adhikaing magpalitan ng kaalaman at karanasan ay mapayabong.









Malungkot man, alam naming ang karanasan sa bansang Korea ay hindi pangmatagalan at kami ay babalik din sa aming lupang tinubuan.

Sa aking sarili, babaunin ko saanman ang mga masasaya at makukulay na karanasan sa bansang ito. Ang isang magandang dahon ay malalagas sa sangang kanyang kinakapitan ngunit ang dahong ito ay aking pupulutin at isisingit sa aklat upang sa aking pagbuklat ng aking mga alaala ay aking balik-balikan at haplos-haplusin. Ipipikit ko ang aking mga mata at sa aking pagdilat ay Pilipino pa rin ako.

Comments

Popular posts from this blog

Sample Program for a Debut Party: Featuring Cyrill Flores 18th Birthday

MADES' Ang Grinfilds, champion best school paper in CALABARZON

Speech of a New Principal